PARA.
Pasenyas kong ikinumpas ang aking kamay para huminto ang pampasadang dyip sa aking harapan.
Hindi kailangang magpakeme-keme o magpatwitams sa mga ganoong sitwasyon. Dahil kung sakaling matapat ka sa rush hour at ganun ang drama mo di malayong mapunta ka sa mga premium seats na madalas i-offer ng mga hapit na dyip. ¾ seat , ½ seat , ¼ seat o kung talagang may hatid kang swerte ay NO SEAT (ito yung tipong nagkakaroon ka ng imaginary seat . Pilit kang magsusumiksik para makaupo man lang kahit ¼ ng pwet mo sa upuan at aasa kang may bumabang pasahero sa di kalayuan para makaupo ka ng kumportable).
Syempre dahil sanay na ako at hindi naman ako yung taong laging conscious, nagmamadali akong sumakay kahit alam kong hindi pa naman ganun kapuno ang sasakyan.
LARGA NA.
Kadalasan inaabot ng mahigit kalahating oras ang byahe tuwing pumupunta ako sa eskwelahan o galaan kung saan saan. Mabilis ang byahe kapag hindi hapit sa pasahero ang drayber at kung hindi pa inaanay ang dyip niya. Sa tantiya ko ngayon ay aabutin ako ng isang oras papunta sa eskwelahan, sakto lang ang pag-alis ko sa bahay para hindi ma-late at hindi maghintay ng matagal bago pumasok sa klase.
SAMPU PA. KALIWA’T KANAN.
Hindi ako unlimited text dahil wala akong pang-load. Kung may load ako sigurado text lang ako ng text habang nasa daan, yun lang kasi ang pinaka-OK na pantanggal ng bagot sa mahabang byahe. Pero nung nabubuhay pa ang aking munting mp3, sya ang karamay ko sa araw-araw na paglalakbay ko kung saan saan. (sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa). Walang load. + walang mp3 equals “tunganga”.
BAYAD NGA PO.
Ngayon ibabahagi ko sa inyo ang aking tips para maging kaaliw-aliw at makabuluhan (sana) ang inyong byahe. Happy trip !
TIP #1:
Ipikit ang inyong mga mata at magpanggap na tulog o matulog nalang kung puyat. Sa paraang ito ay maipapahinga ninyo ang inyong mga mata habang nasa daan. Pwede ring paganahin ang inyong malawak na imahinasyon. Naaliw ka na, makakaiwas ka pa sa mga batang namamalimos na may bitbit na sobreng lukot o kaya naman mga batang taga-punas ng sapatos (pero sa totoo lang ay pinapagpag lang ang basahan sa iyong sapatos o paa. Wag papaloko !)
TIP #2:
Mag sight-seeing sa mga lugar na nadadaanan ng dyip. Isipin mo nalang na ito ay isang educational trip with free usok at alikabok. Good for the health at good for the look. Think positive. Enjoy din ito dahil maaari kang makachamba ng mga live-action sa kalye. Minsan live na nakawan, banggaan o kaya naman ay away ng mga magsyota na umeeksena sa kalye. Kung lapitin ka ng swerte, malaki din ang tyansa na maka-spot ka ng chicks at gwapo sa daan o kaya sa mga kapwa mo pasahero. Nakakabusog ito sa mata.
TIP #3:
Magobserba sa mga kapwa pasahero. Madalas ko itong gawin lalo na kung kakaiba ang mga kasabay ko sa dyip. Andyan yung mga nagrereklamo sa kung saan saan, mga old friends na nagmistulang reunion event ang dyip at todo kamustahan pa,andyan din yung mga nagchichismisan sa mga napakawalang kwentang bagay, may iilan-ilan na kunyare ay nagddrums na hinahampas hampas ang kamay kung saan saan o kaya ay kunyare na tumitipa sa gitara, may mga ale na pinaguusapan ang mga artista, mga tatay na nagyayabangan sa anak, pero ang pinakamadalas kong makita e yung mga may mga sari-sariling mundo na pinangangambahan kong biglang atakihin sa puso o kaya ay atakihin ng pagka-bipolar nila.
MANONG TABI LANG PO.
8 years ago